Tuesday, January 29, 2008

BUKAS NA LIHAM (Ikalawang Bahagi)

Manong Joe,

Suwerte n’yo pala kasi maganda pa ang sistema sa telebisyon nu’ng kapanahunan n’yo. How I wish I was born earlier. Gano’n din kasi ang kapalaran ko sa komiks, sumibol ako sa generation kung saan matamlay na ang industriya, papalubog na at eventually natigok na. Marami pa sana akong gustong isulat sa komiks kaso paano pa mabibigyang buhay kung patay na ang medium na ‘to. Nakakalungkot nga kasi kung kailan ako nabigyan ng break na makapag-nobela, saka naman nagsara na ang mga publications. Bale, isang nobela lang ang nagawa ko originally, tapos may dalawang novel ni Almel De Guzman na ipinasalo sa’kin sa isa sa mga nagsara ring publication. Iniisip ko nga minsan, what if nu’ng kapanahunan nina Mars Ravelo sumibol ang batch namin? Siguro mas maraming original characters kaming nai-ambag na hanggang ngayon ay ini-imortalize sa mga television series at pelikula.

Sa kalakaran po ngayon sa TV industry, malabong mangyari na iyong original concept ng isang writer ang masunod, talagang maraming makikialam. Sa brainstorming pa lang, kakatayin na ang concept mo. Nariyan ang headwriter, associate producer, executive producer, production manager at unit head, may kanya-kanya silang hawak na patalim para pira-pirasuhin ang ediyang pinaghirapan ng isang pobreng manunulat.

Sa panahon ngayon, kung gusto mong manatili sa telebisyon, dapat para kang isang alagang aso na kapag sinabing “sit” uupo ka, ‘pag sinabing “lay down” hihiga ka, ‘pag sinabing “play dead” magpapatay-patayan ka…dedma! Pati pride mo kailangan mong dedmahin. Kasi kung hindi, mapapaaway ka lang.

Sa kaso ko, mas mahirap, kasi sa komiks ako nag-umpisa, tulad ng alam nating mga komikero, sa bahay lang nagsusulat ang mga komiks writer, tahimik sa sariling mundo niya, tapos ipapasa sa editor ang finished product. Kung malaki ang respeto sa’yo ng mga editors, mababasa mo sa komiks word for word ang sinulat mong script. Masarap sa pakiramdam. Bumuo rin ako ng independent film and theater production sa bikol kung saan ako rin ang nagsusulat at nagdidirek ng mga digital films at stage plays namin. Ginagawa ko kung ano ang gusto ko, sinusulat ko kung ano ang nararamdaman ko at gusto kong sabihin. May nasulat at nai-direk nga akong isang play na pinamagatang “CUATRO CANTOS” (‘pag may pagkakataon ipo-post ko rito ‘yung script nito), tungkol ito sa employment status natin dito sa Pilipinas, family oriented na tumatalakay rin sa moral values nating mga pinoy, simpleng patama sa gobyerno. Pero alam n’yo ba? Na-accredit pa kami ng DepEd at pinayagang i-tour ‘yung nabanggit na play sa mga schools sa bikol. Nagmumura ang mga karakter ko, nagpapakita ng libog, nagpapahayag ng damdamin at walang itinatago, pero nabigyan ako ng laya na maiparating ang mensaheng gusto kong ipahatid sa mga manonood.

Nang pumasok ako sa TV industry, parang nilagyan ng masking tape ang bibig ko, tinakpan ng bulak ang tenga ko, piniringan ang mga mata ko, sinimento ang puso ko!

Sabi nga ng isa sa mga big boss ko: “Kung hindi mo kayang makipagsabayan, baka hindi ito ang mundo mo. Hanapin mo na lang kung saan ka nararapat para hindi masayang ang oras namin sa’yo.”

HINDI KAYA ANG ORAS KO ANG NASASAYANG SA KANILA?


Jeffrey Marcelino Ong

Friday, January 25, 2008

BUKAS NA LIHAM




Dear Tiyo Delo (Manoy Joe Mari Lee),

Maraming salamat sa pag-ukol ng pansin sa blogsite ko, thank you rin sa advice, very much appreciated ko. Ang totoo niyan, sentiments ko rin ‘yung mga nabanggit n’yo. Mid 70’s pa pala kayo nagsusulat, ipinapanganak pa lang ako nu’n. Hehehe! I should listen to you.

Tama lahat ng sinabi n’yo tungkol sa kalakaran sa telebisyon ngayon. Dalawang taon na akong writer sa ABS-CBN, nag-umpisa ako bilang researcher sa isang horror-reality-drama program (NGINIIIG!), tapos binigyan ako ng break na makapagsulat sa documentary version nito. Nanibago nga ako dahil ibang-iba talaga ang sistema ng telebisyon sa komiks. Sa tulad kong maraming taon ring naging komiks writer, nakaka-shock ng system ang biglang pagbabago ng medium. Dati tahimik lang akong nakaupo sa harap ng makinilya ko, bumubuo ng kuwento sa sarili kong mundo, nang mapasok ako sa TV, marami nang nakikialam sa gusto kong gawin sa scripts ko bago ko pa ito tipain sa computer. Lahat sila madada, ‘yung iba akala mo may alam sa pagsusulat kung makapagsalita, nagkataon lang na mas mataas ang posisyon nila bilang production staff, pero kahit isang sequence siguro hindi makakabuo ‘pag pinagsulat. Karamihan sa kanila ego tripper, ginagawang instrumento ang posisyon para i-satisfy ang kanilang pride. Pero dahil likas akong pasensiyoso, hinayaan ko lang na tangayin ako ng agos ng dagat-dagatang apoy sa loob ng kumpanyang nagpapakain sa’kin (hindi ng masasarap na pagkain kundi ng mga sama ng loob, hinanakit at masasakit na salita). Sabi ko sa sarili ko, darating din ang tamang panahon para sa’kin.

Totoong mahirap ang buhay sa telebisyon ngayon, bukod sa mahigpit na kumpitensiya ng mga writer, kailangan mo ring kalimutan na tao ka; nagugutom, inaantok…nasasaktan. “Dog eats dog” sa industriyang ito, matira ang matibay. Kaya nga binawasan ko na ang tiwala ko sa mga nakakasalamuha ko sa mundong nabanggit dahil makapagsiwalat ka lang kahit konti ng pinakaiingatan mong ediya, magugulat ka na lang, ipapalabas na pala ito sa mga darating na araw sa ilalim ng kredito ng mga buwayang “tagatulak ng lapis”(tagatulak dahil utusan lang sila).

Mabuti pala nu’ng araw dahil binabayaran ang writer kapag ni-replay ang sinulat niyang episode, ngayon hindi na, malalaman mo na lang na ipinalabas pala uli ‘yung pinaghirapan mo pero ni ho ni ha wala kang narinig sa mga bossing mo. Ilang beses akong naging biktima ng ganitong sistema, nu’ng malapit nang mawala sa ere ‘yung show namin, panay ang replay ng mga episodes ko, ni singkong duling wala akong nakuhang incentive. Pero kung tutuusin, dahil sa pagre-replay na ‘yun, makailang ulit silang kumita sa mga advertisers. Paano naman ang mga writer?

Nalulungkot ako sa tuwing mare-realize ko na palaging underrated ang mga manunulat, hindi makuha ang nararapat na respeto. Iilan lang sa industriya natin ang mga manunulat na binibigyan ng malaking pangalan at pagkilala, hindi alam ng lahat na marami pang karapat-dapat na bigyang pugay dahil sa dedikasyon nito sa trabaho. Para sa’kin kasi, kapag isa kang “put@#%$%” manunulat, para kang isinumpa. Bahala na kayong magbigay ng kahulugan kung ano ang ibig kong sabihin. Sa mga kasama ko dati sa nabanggit kong TV program, ako ‘yung pinaka-tahimik at pamasid-masid lang, natatawa na lang ako sa ginagawa at ikinikilos ng mga kasama ko, para bang porke nasa isang malaking kumpanya sila ng telebisyon, ang galing-galing na nila. Nu’ng naging writer na ako sa TV, mas maangas pa sa’kin ‘yung mga P.A. at researchers, parang boss kung makaasta kapag wala ang mga superiors. Badtrip! Sabi ko na lang sa sarili ko: “Kaya kong gawin ang ginagawa nila, pero ‘yung ginagawa ko, hindi nila kaya. Kahit maglupasay pa sila at magpagulong-gulong, kung wala ang magic sa kanila bilang manunulat, kahit simpleng dialogue, hindi nila magagawa!”

Marami pa sana akong gustong sabihin pero parang nagiging shock absorber at sumbungan ko na itong blogsite ko, siguro sa ibang araw naman ako magbubulgar ng mga nakaririmarim na sistema sa mundong napasukan ko. Hindi naman sa kinakagat ko ang mga kamay na nagpakain sa’kin ng medyo matagal ring panahon, gusto ko lang bigyan ng awareness ang iba kung sakaling papasukin nila ang parisukat na mundo ng mga bituin.

Tungkol po sa pagkakaroon ng sariling konsepto para sa isang teleserye tulad ng mungkahi n’yo, ilang beses ko nang pinagtangkaang gawin iyon. Sa katunayan, kung hindi nagkaroon ng problema’y tumatakbo na ngayon iyong teleseryeng pinaghirapan naming buuin ng co-writer ko sa loob ng mahigit tatlong buwan kahit walang developmental fee. Nai-depensa ko na ito kina Madam Charo Santos mismo at sa iba pang bossing ng “kapamilya” network, pumasa na sa unang screening, pero pagdating sa finals, natigok, kung ano man ang dahilan, itanong n’yo kay “Palos”.

Gusto ko talagang makapagsulat ng serye sa telebisyon dahil siyempre, mas malaki ang income kung tuloy-tuloy ang mga projects, pangalawa, ‘yung satisfaction kapag nakita mong gumagalaw sa halip na naka-drawing lang ang mga characters mo (tulad ng nasabi n’yo na rin), kaso nabuburo na ako, mahirap i-satisfy ‘yung unit head namin na pinakamakapangyarihan sa grupo, siya ang nagsasabi kung dapat i-push ang isang project o hindi, siya ang nagdidikta kung ano ang DAPAT mangyari sa takbo ng kuwento. Kaya nga nasabi ko kanina na “tagatulak” na lang ng lapis ang karamihan sa mga manunulat sa TV, iyong mga “puppet masters” ang tunay na nagmamanipula sa mga kinababaliwang subaybayang programa ngayon sa TV. Kaya kahit maganda ang konspeto mo, kung hindi niya type, walang mangyayari, magsasayang ka lang ng oras.

Padi, kung piggagamit ka saro diyan a ibang barkada ta, gagamitun ko man sana siya ta nganing makalaog ako sa limelight, si sarong katao kasi diyan ay maray na dalan para mabistong mabilis ining kapwa mo uragon. Kung dae ako magibo ning ibang paagi, magagadan ako kahahalat ning marahay na break. After man ka project na sinasabi ko, sa hiling ko madali na sakuya na makapagpresenta nin sakuyang mga konsepto, kasi may naipahiling na ako. “Dog eats dog” po, manoy.

Siguro lang, natuto na rin akong kumampay at lumangoy sa dagat-dagatang apoy na tintukoy ko kanina.


Truly Yours,

JEFFREY MARCELINO ONG



Wednesday, January 23, 2008

KAMAGONG


Isa sa paborito kong pocket komiks nu’ng araw ‘yung Super Action Comics ng Atlas Publishing. Kabilang sa mga nobelang inilabas rito ang sinubaybayan ko at hindi binitiwan hanggang wakas, ito ‘yung nobela ni Carlo J. Caparas na “Kamagong”. As I can recall, si Rudy Villanueva yata ang illustrator nu’n.

Taong 1987, isinapelikula ito at ginampanan nina Lito Lapid bilang “Manuel”, JC Bonin bilang “Ariel” at Ruel Vernal bilang “Lorenzo”. Si Carlo J. din mismo ang nagdirek nito.

Nitong Disyembre ng nakalipas na taon (2007), nagkaroon kami ng ugnayan ni Direk Carlo tungkol sa pagsasalin ng nabanggit na nobela-pelikula sa telebisyon. Dahil sa pangungumbinse ko sa kanya na gawing teleserye ang “Kamagong”, ibinenta niya ang rights nito sa ABS-CBN kasabay ng iba pa niyang mga comics novel tulad ng “Pieta”, “Gabriel”, “Kroko”, “Rosenda”, “Valora”, “Kadena De Amor”, “Elias Paniki” at “Berdugo”.

Nabanggit ko sa unit head at production manager namin ‘yung tungkol sa project, excited sila na gawin ito, ang problema lang, kailangan kong maghanap ng kopya nu’ng pelikula para ma-review ng mga bossing ng unit namin. Kaso mahirap nang makahanap ng ganu’n, huli kong napanood ‘yung “Kamagong” sa Cinema One pero nang magtanong ako, wala raw silang kopya. Good thing, nabanggit ko kay Mars Alvir ang problema ko, nagulat na lang ako nang magtext siya at sinabing nakabili raw siya ng kopya nu’ng movie sa Tarlac, pina-LBC niya sa’kin kaya nagawan ko agad ng story outline.

Hindi pa pala doon natatapos ang problema ko. I found out na manipis pala ‘yung movie version, kulang sa mga detalye, mas maganda kung mababasa ko ‘yung nobela mismo sa komiks, sa kasamaang palad, wala na palang compiled copy si Direk Carlo.

Kaya nananawagan po ako sa inyo mga kapwa ko komikero, baka may naitatabi kayong kopya ng “Kamagong” (comics version), napakalaking bagay po kung maipapahiram n’yo sa’kin para mapabilis ang pagsasakatuparan ng proyektong nabanggit.

We have plans na i-modernize ‘yung konsepto, naniniwala ako na magandang project ito kung matutuloy, plano kong isama rito ang mga ka-tropa kong sina Ron Mendoza at Ronald Tabuzo at Mars Alvir para komiks na komiks talaga, mas maganda nga ma-invade ng mga komikero ang telebisyon, e. Hehehe!

Hope to hear from you soon, guys!

Friday, January 18, 2008

DARKPAGES


Isa sa mga pahina ng isinulat kong kuwento sa
DARKPAGES na pinamagatang "The 13th Stone",
illustrated by RONRON AMATOS


Ibitin muna natin kung ano ang naging next journey ko sa pagsusulat sa komiks noong nag-uumpisa pa lang ako.

Sugue muna tayo…

Lumaktaw tayo ng maraming taon…

Iilan lang siguro ang nakakaalam na bago pa man mapag-usapan ang pagbuhay sa komiks nitong mga huling panahong ito, may mga nagtangka na itong sagipin bago pa man ito tuluyang mamatay.

Taong 2002…

Matapos ang mahigit sampung taon kong pagsusulat sa komiks, nakatakdang magkaroon ng malaking pagbabago sa sistema ng pagkatao ko. Unti-unti na kasing nalulugmok ang komiks industry nang mga panahong iyon, patapos na ang maliligayang araw sa GASI at sa iba pang sister companies nito sa #70-18th Avenue, Murphy, Quezon City, ang lugar na itinuring kong pangalawang tahanan sa loob ng isang dekada. Ang isa sa mga institusyon sa larangan ng komiks ng mga pinoy.

Sa komiks ako natutong magbasa, natutong tumayo sa sariling mga paa, maging responsible, magkaroon ng tiwala sa sarili, natutong umibig, lumaban, mag-ambisyon, mangarap, mag-ilusyon, malaman nang lubos ang kaibahan ng pantasya at reyalidad. Nagkaroon din ako ng maraming kaibigan sa komiks, mga kaaway, tagahanga…kabahagi sa buhay. Sa komiks, naranasan kong magalit nang sagad hanggang langit, umiyak nang nag-iisa, tumawang abot hanggang tenga, matakot na parang huling araw ko na sa mundo, maging mayabang kung kinakailangan, maglasing na parang mauubusan ng alak, kalimutan ang sarili, isiping walang Diyos, maawa sa mundo at lipunan, bumangon matapos ang matinding pagkatalo sa labanan.

Sa madaling salita, ginawa akong TAO ng komiks. Dahil nag-umpisa ako rito sa murang gulang, ito ang naging gabay ko sa aking pagkakaroon ng kamalayan sa “libog” ng buhay sa mundo.

Kaya naman sobrang sakit na makitang unti-unting namamatay ang industriya na itinuring mong pangalawang “magulang”.

Ako ‘yung taong kapag ginusto ko, hindi puwedeng hindi mangyari, mahirap man, kahit pa sabihing suntok sa buwan, kung may nakikita ako kahit na katiting na pag-asang matutupad, hindi ko ito uurungang hangga’t hindi naisasakatuparan.

Sabi nga ng mga kaklase ko, organizer daw ako sa lahat ng bagay. Mahilig kasi akong magpasimuno ng kung ano-ano. Nu’ng college kami, hindi nabubuo ang solid barkada namin tuwing sembreak kung hindi ako ang gagawa ng paraan na magkaroon ng reunion. Nu’ng hayskul, nagtatag ako ng basketball league sa aming (believe it or not) section lang. Playing commissioner ang drama ko!

Nang maging writer ako sa komiks, sinubaybayan ko kung sino ang para sa aki’y masasabing mga magagaling na manunulat sa batch na kinabilangan ko. Iyong tipong hindi nalalayo sa estilo at panlasa ko sa pagsusulat. Hinangaan ko si Ron Mendoza at hinangad na makilala, nabasa ko rin ang mga pangalang Ronald Tabuzo, Lito Tanseco, Arman Francisco at Mars Alvir. Sabi ko sa sarili ko, “They have something in common”, para paiksiin ang kuwento, hindi ako nahirapan na makilala silang lahat dahil nang gumawa ako ng paraan para maging kaibigan si Ron Mendoza, solve na ako agad, dahil ang mga nabanggit na writer, isang tropa lang pala. Hindi na ako loner sa GASI nang makilala ko sila dahil I now belong to the group na gusto ko.

Hindi naman po sa nagde-descriminate ako, marami ring iba pang magagaling na writer noong panahong iyon, ibig ko lang sabihin, hindi kami nagkakalayo ng mga interes at “kabaliwan” ng mga nabanggit kong writer.

Minsan kinukurot ang puso ko kapag naaalala ko ‘yung mga masasayang samahan namin; tambay sa lobby ng publication at walang katapusang “tsismisan” tungkol sa mga sinulat namin, sa mga editor, at iba pang contributors; inuman sa 5th Avenue ba ‘yun? O kaya nightlife hanggang madaling araw (special mention diyan si Ronron Amatos), not to mention those “HAPPY” hours sa E. Rodriguez Avenue. Hehehe!

Kaya nga nang dumating ang mga panahong pahirapan nang makasingil sa mga publication, paisa-isa na lang ang voucher at binabayaran na kami ng mga talbog na tseke, nag-iisip na ako kung anong magagawa ng isang tuldok lang na tulad ko sa dambuhalang industriyang tinamaan na ng bato mula sa tirador ni David.

Mayroon akong close friend at high school classmate na may imprentahan. Doon ko naisip na, “What if mag-publish kami ng sariling komiks?” Iyong hindi produkto ng nakamamatay na bulok na sistema, iyong puwede mong sabihing, “ITO ANG KOMIKS!” Taas-noo at hindi mo ikahihiyang basahin kahit nasa loob ka ng isang pampasaherong jeep o bus sa Edsa.

Sabi ko sa sarili ko, hindi ko yata iyon magagawa nang mag-isa. Una, wala akong pera; pangalawa, hindi ako paniniwalaan ng kaibigan kong may imprentahan sa iniisip ko. Sa umpisa, nagdalawang-isip ako na ibahagi sa iba ang “ilusyon” ko, pero nang maramdaman ko na nalulungkot rin si Ron (Mendoza) sa napipintong pagkamatay ng komiks, sinabi ko na sa kanya ang plano ko, nagpakita naman siya ng interes kaya nabanggit na rin namin iyon kay Ronald (Tabuzo). Close friend ni Ronald ang kilalang senior komiks writer noong araw na si Galo Ador Jr., ito ang may pera nu’ng mga panahong iyon (hanggang ngayon, dahil writer na siya sa ABS-CBN) kaya sa mungkahi ni Ronald, inilako naming tatlo kay Galo ang plano na binili naman nito dahil mahal rin nito ang komiks, siyempre malaki ang utang na loob nito sa industriyang nabanggit. Nagpakita ng interes sa plano si Galo at nagsabi pa nga na kahit sagutin na niya ang kalahati sa expenses ng proyekto.

Naisip namin ni Ron na isama na ang buong tropa sa project, ipinaalam namin kina Mars Alvir (na nasa Tarlac pa) at Lito Tanseco (na madalas ay sceptic) ang plano. Siyempre mawawala ba naman si Arman Francisco na isa pang “adik” sa komiks?

So, ganu’n nga, nagkaisa ang grupo na kailangang mag-materialize ang nasabing proyekto sa ano mang paraan, kung kinakailangan ng sakripisyo, gagawin namin. Bawat isa sa amin, malaki ang paniniwala sa project, umaasa na dahil sa ginawa naming pagkilos na ito ay maisasalba ang naghihingalong komiks ni Juan Dela Cruz.

Obvious na hindi kami nagtagumpay sa aming hangarin, pero ano kaya ang mga pinagdaanan ng aming grupo para maitaguyod ang iisa naming layunin?

ITUTULOY

Friday, January 11, 2008

ORIGIN (Part 2)


May mga tao raw na walang kasiyahan. Ibigay mo ang daliri mo, gustong hilahin pati kamay mo. Hindi makuntento. Bigyan mo ng tinapay, hihingi pa sa’yo ng palaman. Isa ako sa tinutukoy ko rito. Magmula nang maging writer ako, hindi na natahimik ang buhay ko. Lagi akong may hinahanap, may hinihintay, may hinahangad, may pinagnanasaan, may obsesyon!


Nu’ng umpisa, masaya na ako kapag nakikita ko ang pangalan ko sa mga komiks na puro short stories ang laman. Pinagpapasa-pasahan sa school namin nu’ng college ako ‘yung mga complimentary copies na may gawa ako. Exempted pa nga ako sa mga exams sa Filipino nang malaman nu’ng professor namin na komiks writer ako.


Sa probinsiya naman tuwing umuuwi ako, usap-usapan kapag may reunion kami ng batch namin na naging writer na ako. Sino ba ang mag-aakala na mababasa nila sa komiks ang pangalan ng kaklase nila na padrowing-drowing lang sa likod ng mga notebook, dating nagpaparenta lang at kolektor ng mga komiks? Pati sina “Chang Auring” at “Aling Letty” na inaarkilahan ko dati ng komiks, ganun din ‘yung newspaper stand namin na ultimong distributor sa’min ng komiks nu’ng araw, hindi makapaniwala na sineryoso ko ang pagko-komiks.


Nag-umpisa akong magsulat ng horror sa Nightmare at Shocker komiks, tapos sa iba pang lumabas na mga nakakatakot na komiks. Basta, mga ganu’ng tipo ng horror ang mga una kong isinulat, ‘yung parang “Twilight Zone” ang dating (parang may komiks nga yata noon na ganu’n ang pamagat).


Ipinagpatuloy ko pa rin ang pag-contribute sa Komedi Komiks pero puro script na lang ang ipinasa ko. Nag-try din akong magsulat ng mga Fantasy stories, siyempre sa Fantasy Komiks muna, tapos may iba pa uling naglabasang komiks na ganu’n ang tema kaya nagsulat na rin ako sa mga ‘yun.


Gusto kong magsulat ng love stories nu’ng mga panahon na ‘yun pero wala akong tiwala sa sarili ko, wala pa kasi akong lablayp that time kaya feeling ko corny ang kalalabasan kapag sinubukan kong gumawa ng ganu’n.


Hanggang sa magkaroon ako ng first girlfriend, 17 yrs. old pa lang ako nu’n. Masyado akong na-inspire sa lablayp ko kaya nakabuo ako ng kuwentong pag-ibig na ipinasa ko sa Beloved komiks. Tungkol sa romance namin ng nagging girlfriend ko ang unang love story na nasulat ko. Later on, nang mag-mature ako sa larangan ng pag-ibig, nakapagsulat na rin ako sa iba pang komiks na love story ang genre, particularly sa Lovelife Komiks na hinawakan ni Emily Ventura (kapatid ni Pareng Ron Mendoza).


Tapos sumikat din ang Halimaw komiks, ‘yung barriotic type horror ang tema with matching drama na mabigat sa dibdib, ‘yung tipong Philippine Lower Mythology characters ang mababasa. Nag-focus ako sa komiks na ‘yun, du’n ko nakilala sina Ron Mendoza, Ronald Tabuzo, Lito Tanseco, Arman Francisco at Mars Alvir…ang mga “Backdoor Boys”, our group na later on ay nag-self publish ng comics (Darkpages), Actually ako ‘yung latest addition sa grupo nila, dati na kasi silang magkakasama sa Space Horror, nakakalungkot lang kasi hindi ako nakapagpa-approve sa komiks na ‘yun, ilang beses akong nag-attempt pero mahigpit si Allan Aspiras (editor), hindi ko matumbok ang gusto niya, siguro tine-test lang niya ang patience ko, kaso sumuko ako nang lumabas ang Halimaw komiks, doon na lang ako nag-concentrate kasi halos pareho lang naman ang tema at marami rin kung ma-approve-an ako ng editor na si Eugene Masiluñgan.


After two years of writing komiks short stories, nakaramdam ako ng pagkasawa, gusto ko kasing mag-try mag-propose ng series o kaya nobela. May mga nagsabi na huwag raw akong mag-ambisyon dahil ang management ang magsasabi kung dapat nang bigyan ng series o nobela ang isang writer. Marami nga raw diyan na matagal nang nagsusulat eh hindi pa nakahawak ng series o nobela. Hindi ako naniniwala na sa tagal ng pagiging writer lang puwedeng i-base kung may kakayahang humawak ng series o nobela ang isang komiks writer, nasa quality ito ng trabaho, sa pagiging prolific at creative. Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, ramdam ko na nasa akin ang mga potensiyal na ‘yun kaya sinabi ko sa sarili ko na bago ako magtatlong taon sa komiks, by hook or by crook, magkakaroon ako ng series kung hindi man nobela.

There’s no harm in trying at walang masamang mag-ambisyon.

HINDI AKO NABIGO.