Monday, May 5, 2014

KOMIKS: ANG KASAYSAYAN NG SAMPALOK, MANSANAS AT MANGGA

PART 1: PAGSIBOL at PAGLUNGAYNGAY

Hindi ako henyo pagdating sa KOMIKS, lalong hindi ako iyong tipong “know-it-all” sa larangang ito.  Hindi rin ako Comics Geek na mistulang “Walking Comics Encyclopedia.” Isa akong Comics Creator na may malaking “utang” sa industriyang naturan, isang manunulat na may sapat na karanasan sa larangang ito para makapaglahad ng saloobing nagmumula sa puso nang walang bahid ng pansariling intensiyon.

Hindi ko kinakailangang maglahad pa ng mga sinaunang kasaysayan ng komiks na panahon pa ni Kopong-kopong, ng mga detalyeng maaaring hindi na makaka-relate ang ilan o baka karamihan. Simple lang ang gagawin ko para ipabatid ang aking paninindigan…ikukuwento ko na lang ang aking mga karanasan sa komiks mula umpisa hanggang sa kasalukuyan.

Ang totoo, naisulat ko na sa mga unang entries ko rito kung paano ako nag-umpisa bilang Comics Creator. Pero para gawing mas ma-SENTIMIYENTO ang post na ito, sige, medyo uulitin ko. Well, cliché ang karanasan ko noong bata ako. Panganay na anak sa pitong magkakapatid, sa isang pamilyang hindi marangya pero hindi naman pariwara. Sa komiks ako natutong magbasa, 6 years old pa lang ako n’on. Usung-uso pa ang mga bangketa/traditional comics that time. Sa madaling sabi, masyado akong na-hook sa mga ito habang lumalaki. Naging collector ako, eventually ginawa ko nang negosyo. Sa harap ng bahay namin, may paarkilahan ako ng komiks…and I was only in elementary way back then. Reaksiyon ng tatay ko? Wala naman, biunubugbog lang ako kapag nahuhuling nagbabasa at nagpapa-arkila ng mga komiks na ito.

High school. Nag-level up tayo. Hanggang sa eskuwelhan dala-dala ko ang mga--sabi nga nila'y--pambalot ng tinapa. Wala pang mga Komikon noon, pero nakagawa na ako ng mga indie komiks (kuno), tiniklop na bond paper na drinowingan ng ballpen ay okay na. Kapag binabasa ng mga kaklase ko ang mga gawa ko, tuwang-tuwa ako. Reaksiyon ng tatay ko? Walang nagbago, binubugbog pa rin ako.

Pagdating ng kolehiyo, Aeronautical Engineering ang kinuha kong kurso. Naku, malaking pagkakamali pala ito. Alam n’yo bang sa halip na mga unibersidad--pagsalta ko sa Maynila--comics publication ang unang hinanap ko?


LASTIKDOG, pinaka-paborito kong serye na nasulat ko. Tumakbo siya ng 2 taon
 sa mga pahina ng Aliwan Komiks. Nang sabihin ng editor na tsu-tsugihin na ang series,
 pinatay ko literally sa kuwento iyong character na aso. Ganyan ako ka-bitter noon. 


GASI days. Palagi akong tablado sa mga editors, ayaw tanggapin ang mga sample drawings ko. Pero siyempre, kapag gagawa ka noon ng pang-sample, kailangan may kuwento ka. Iyon ang napansin nila. “Mas okay ang kuwento mo kesa sa drawing mo, magsulat ka na lang, bata,” sabi ng isa sa kanila. The rest is history. After a year of writing hundreds of short stories in different genres (horror, fantasy, action, comedy, love story) ay nabigyan tayo ng break na humawak ng ilang series…eventually ng nobela. Ano ang reaksiyon ng aking ama nang umuwi siya galing Saudi Arabia nang matuklasan na ang anak niya ay isang manunulat na? Mga papuri at paghanga ang natanggap ko mula sa kanya. Sa pagkakataong ito, ang mga pambubugbog ay naglaho na. Ang mga luha at pasakit at napahid na.

Sa GASI ko nakilala ang mga tunay na kaibigan, mga katotong kasa-kasama sa walang humpay na kuwentuhan, sa mga gabi ng inuman na tila walang katapusan, sa masasayang halakhakan sa lobby ng kumpanyang pinanganlungan…sa mapait na katotohanan nang ang komiks na nakagisnan ay maglaho na nang tuluyan.

ITUTULOY

Susunod:
PART 2: Nang magsara ang mga dambuhalang kumpanya, ano na nga ba? 

No comments: