Saturday, November 8, 2008

BARYA


BARYA

Maulan ang umagang iyon nang magawi ako sa isang tindahan sa looban ng kalye M. Cruz sa Mandaluyong. Hindi lang basta sari-sari store 'yung naturang tindahan kundi para na rin itong isang mini-talipapa, dinarayo ito ng mga mamimili dahil medyo malayo ang palengke sa aming lugar. Kumpleto rito, mula sa mga gulay at isda hanggang sa lahat ng klase ng karne. Isang produkto lang yata ang hindi mabibili rito. Niyog.

Siksikan ang mga mamimili nang oras na iyon, malapit na kasi ang pananghalian kaya't abala na ang mga nanay sa pagbili ng kanilang iluluto. Ako ma'y kinakailangan na ring mag-asikaso ng ihahain sa aming hapag.

Habang nakapila'y natawag ang aking pansin ng dalawang batang gusgusin na panay ang kalkal sa rumaragasang tubig sa kanal na nasa harap ng tindahan, napakarumi at napakaitim ng pusali subalit tila walang ano man sa dalawang paslit na hinahalukay at sinasalat ang kailaliman nito na parang may kung anong kayamang hinahanap ang mga ito. Napaisip ako. Ano kaya'ng meron du'n? Ginto? Brilyante? Chickenjoy?

"Nakailan ka na?" tanong ng isa sa kasama.

"Sampu," tugon nito.

"Ina mo! 'Wag kang maduga diyan ha?! Baka bawasan mo!"

Mag-aaway pa ang dalawa, eh ano nga kaya ang hinahanap nila roon na dahilan para magmistula silang nagmimina ng mikrobyo sa kanal na iyon.

Sa wakas, wala na ang mga kagitgitan kong mamimili, solo ko na ang tindahan, wala nang kokontra. Matapos kong makabili ng dalawang pirasong sayote at bente pesos na galunggong ay tumalikod na ako sa mini-talipapa. Hinagilap ng mga mata ko ang dalawang bata sa kanal subalit hindi ko na sila makita.

Habang naglalakad papauwi ay palaisipan pa rin sa'kin kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga gusgusing paslit sa kanal sa harap ng tindahang iyon.

Naputol ang pag-iisip ko nang paglabas ko sa kalye M. Cruz ay nakita ko uli iyong dalawang bata sa tabi ng kalsada, nakasilong ang mga ito sa isang tindahan, mukhang nagpapatila ng ulan. Hindi na ako nakatiis kaya nilapitan ko ang mga ito at inusisa, tiniis ko ang makabaliktad sikmurang alingasaw na nagmumula sa mga ito.

"Anong hinahanap n'yo du'n sa kanal, boy?" tanong ko sa dalawa.

Hindi agad nakakibo ang mga bata, waring tinatantiya ako, bakit nga naman ako magkakainiteres na tanuningin sila tungkol sa ginagawa nila kanina? Tingin ko'y nakaramdam sila ng takot.

"Huwag kayong mag-alala, wala kayong ginagawang kasalanan, gusto ko lang malaman kung ano 'yung hinahanap n'yo roon sa pusali," sinundan ko ng ngiti ang sinabi kong iyon para maramdaman ng mga bata na wala akong tangkang masama sa kanila.

"Barya po. Naghahanap po kami du'n ng mga barya, 'yung nahuhulog sa mga bumibili, blangko ang mukha ng bata habang sinasabi iyon.

"Barya? May nakukuha naman kayo?"

"Opo."

"Magkano?"

"Ngayon po naka-trenta pesos kami."

"Trenta? Marami-rami rin ano? Saan n'yo naman ginagamit?"

"Ibinibili po ng bigas," nasulyapan ko ang mga mamisong barya sa kamay ng bata matapos nitong sambitin iyon. Marumi at nangingitim ang mga perang hawak ng dalawa.

Parang tinurok ang puso ko sa narinig kong iyon. Ganito na ba talaga kahirap ang buhay ngayon? Laking pasasalamat ko't hindi ko naman naranasan ang ganito noong bata ako. Laking pasasalamat ko't nakakakain ako hanggang ngayon nang maayos na hindi na kailangang maghalukay ng barya sa pusali. Laking pasasalamat ko't ang kakainin naming galunggong at sayote'y galing sa katas ng aking utak at hindi sa "katas" ng maruming kanal.

Habang sinasabi ng mga bata na isang beses sa isang linggo raw sila kung "mangalakal" ng barya sa kanal at palagi silang may nakukuha, isinumpa ko sa sarili ko na babawas-bawasan ko na ang pagiging mareklamo. Sa halip, ipagpapasalamat ko na lang na naging mas mapalad pa rin ako kesa sa ibang nilalang dahil ang ginigiling ng sikmura ko'y hindi "katas" ng pusali.

No comments: