Lahat ng MANUNULAT ay may pinanggagalingan o pinagmumulan. Kumbaga sa isang SUPERHERO, may tinatawag na origin o kung paano naging super ang isang hero. Tulad ni Superman na nagmula sa planet Krypton, si Spiderman na nakagat ng isang radioactive na gagamba, o si Wolverine na produkto ng isang top secret project.
Ang isang WRITER ay para ring superhero, kaya niyang magligtas ng mga nasa panganib sa ilang kumpas lang ng daliri, maaari niyang pahintuin ang ikot ng mundo sa ilang tipa lang ng kanyang mga kamay, maaari rin niyang buhayin ang patay at patayin ang buhay sa ilang takatak lamang ng tiklado. Ang kanyang mga sandata…LAPIS, PAPEL, BOLPEN, MAKINILYA, KOMPYUTER! Source of power? Siyempre UTAK para sa IMAHINASYON at PUSO para sa EMOSYON!
More than a hero, writers plays GOD with their characters and stories!
Nu’ng bata ako, paborito ko sina Superman at Spiderman, lahat yata halos ng batang lalaki nagpapantasya na sila’y isang superhero. Ako, hindi ko inimadyin na maging abnormal na bayani, inidolo ko lang sila dahil alam kong masarap gawing inspirasyon sa totoong buhay ang mga karakter nila. Nu’ng bata ako, isa lang ang matinding pangarap ko sa buhay, ang pasukin ang mundo ng imahinasyon habang nananatili sa reyalidad. Ang maging isang MANUNULAT.
Aaminin ko, hindi pagsusulat ang first love ko kundi pagdo-drowing. Kinder pa lang mahilig na akong mag-sketch, hanggang sa mag-elementarya panay ang sali ko sa mga poster making contest. Sa murang idad kong ito nakahiligan ko na ang pagbabasa ng komiks. Sa totoo lang, literal na sa komiks ako natutong magbasa. Ang ina ko kasi pati mga uncle at auntie ko ay mahilig magbasa ng komiks, lalo na’t ito pa ang maituturing na pangunahing libangan ng mga Pilipino noong araw. Madalas ako ang nauutusang umarkila ng komiks sa tindahan nina “Chang Auring” at “Aling Letty”, ang mag-inang magka-kompitensiya sa pagpapa-renta ng komiks. Minsan pa nga, muntik-muntikan na akong masagasaan sa pagtawid-tawid para lang makapag-arkila o makapagbasa ng komiks.
Nu’ng bata ako, bilib ako sa mga illustrators na sina Karl Komendador, Mar Santana, Clem Rivera, Rod Santiago at Hal Santiago; idagdag pa ang yumaong Vincent Kua Jr. Panay ang kopya ko sa mga drawings nila. Nauso rin ang mga pocketcomics noon tulad ng Samurai, Ninja at Action. Paborito ko ‘yung “Wang Ho” ni Ruding Mesina, “Kambal na Talim” ni Karl Komendador at “Kapitan Aksiyon” ni Rod Santiago. Ang dami kong koleksiyon ng pocketkomiks noong araw, naisipan ko pa ngang paarkilahan na rin ang mga ito sa mga kaklase ko para naman mabawi ko iyong mga ginastos ko sa pag-iipon ng mga ito. ‘Yun ang unang pagkakataon na pinagkakitaan ko ang komiks.
Hanggang sa dumating ang oras na gumawa na ako ng “komiks-komiksan” na yari sa mga tinuping bond paper at itim na Panda ballpen. Pinababasa ko sa mga kaklase ko ang mga kunwa-kunwaring komiks na ginawa ko. Hindi ko maintindihan kung bakit ang sarap sa pakiramdam kapag nakikita kong nasisiyahan silang basahin ang mga gawa ko na noon ay parang abstract drawings pa at distorted na illustrations nina Comendador, Santa at iba pa. Nadala ko ang “kalokohan” na ‘yun hanggang mag-hayskul ako, lalo pa ngang tumindi dahil nakilala ko ang bestfriend ko na si Joel Orcena na komiks fanatic rin at aminado akong mas magaling mag-drawing kesa sa’kin. Nakilala rin namin ang isa pang Joel (Carizo) na mahilig ding magdrowing. Trio na kami ngayon sa paggawa ng mga “komiks-komiksan” namin.
Nag-aral pa kaming tatlo kay Nestor Malgapo ng comics illustration sa kanyang DYNACOIL noong araw. Pero hindi ko natapos iyong kurso, naka-dalawang libro lang ako. May napansin at naramdaman kasi ako sa sarili ko. Habang pinag-aaralan ko iyong mga ginawa naming mini-komiks, napansin ko na may potensiyal pala akong magsulat. Ako lang kasi ang nagsusulat ng mga kuwento sa tinuping “komiks” namin. Dumating na rin sa point na nagsawa na akong mag-drawing, pakiramdam ko hanggang doon na lang ako, wala nang i-i-improve ang skills ko sa illustration. Naramdaman ko na lang na parang mas hinihila ako ng pagsusulat. Lalo na nang mabasa ko iyong comics scriptwriting tips at lessons ni Emmanuel Martinez (dating editor sa GASI) sa PRECIOUS KOMIKS kung hindi ako nagkakamali. Sinubaybayan ko iyon at nag-self study ako. Doon ako nag-umpisang mangarap na maging manunulat. At the age of 15, gumagawa na ako ng mga comics script na pinaplano kong ipadala by mail sa publication dahil sa bikol ako nakatira.
Throughout these events na naikwento ko, may mga masasalimuot na pangyayari akong pinagdaanan. Magmula nang humawak ako ng komiks, hindi na iyon ikinatuwa ng ama ko. Pinagbabawalan niya akong magbasa ng komiks, pag-aaral lang daw ang atupagin ko. Hindi niya alam, inspirasyon ko sa pag-aaral ang komiks. Natututo ako rito ng mga bagong lengguwahe at kaalaman. Itinatago ko sa ama ko ang pagbabasa ng komiks, dahil kapag nahuhuli niya ako, batok at sapak ang inaabot ko. Minsan pa nga pinunit niya iyong mga koleksiyon ko, nasaktan niya ako hanggang sa magdugo ang aking ilong. Ang ipinagtataka ko lang, sa tuwing lasing siya, hinahanap niya ang mga komiks ko, binabasa at ginagawa niyang pampatulog. Ewan!
Nang magkolehiyo ako, kasama ko pa rin iyong dalawang Joel na ka-tsokaran ko sa pagko-komiks. Wala sa isip ko kung ano ba talagang kurso ang dapat kong kunin, Fine Arts ba? Journalism? MassCom? Ang siste, bumagsak ako sa PATTS sa kursong Aeronautical Engineering! Bakit??? Exam kasi ako nang exam sa mga unibersidad, pasado ako sa U.P., U.S.T. at F.E.U.; pero hindi ko inaasikasong magpa-enroll, punta kasi ako nang punta sa GASI, iyong komiks publication na nauna ko pang hanapin kesa sa mga papasukan kong eskwelahan nang tumuntong ako sa Maynila para mag-kolehiyo. Nasarhan na ako ng enrollment sa mga schools na nabanggit, iyong PATTS na lang ang puwede kong pasukan, naengganyo ako kasi doon din mag-aaral iyong dalawang Joel na ka-kosa ko sa komiks at kasa-kasama sa pagpunta sa GASI. Patay kang bata ka! Mukhang puro komiks ang pag-uuspan namin sa halip na mga lessons kung paano mag-design at magkumpuni ng mga eroplano.
Buwelo na ako sa pagko-komiks nu’ng college, wala na akong pinangingilagan dahil nag-abroad ang ama ko sa Saudi. Pero bago siya nangibang-bansa, mahigpit na bilin niyang huwag na huwag raw niyang mabalitaang nagko-komiks ako o magbasa man lang, dahil hindi na raw niya ako pag-aaralin. Sinuway ko ang gusto niyang mangyari.
Totoy pa ako nang una akong tumuntong sa komiks publication, ayaw pa nga kaming papasukin ng mga guard sa GASI dahil ayaw maniwala na mag-aapply kami nu’ng dalawang Joel na bestfriend ko bilang mga illustrators, madalas pa naming bitbit noon iyong mga sample drawings namin. Pahirapan bago kami makarating sa editorial, may mga papel-papel pa na kailangang papirmahan sa mga editor na makakausap namin.
Bilang illustrator pa rin ang una kong pag-aapply sa GASI, wala kasi akong tiwala noon na kaya ko ngang magsulat, iyong mga nagawa kong komiks scripts nu’ng high school ay itinago ko na lang at hindi na ipinasa sa mga editor.
Sa KOMEDI komiks ako unang nag-apply na hawak ng editor na si REY LEONCITO aka MADMAN. Ilang beses niyang nire-reject ang mga one page cartoons ko, pero kasama naman ng mga rejections na iyon ang mga advice kung ano pang improvement ang kailangan kong gawin sa trabaho ko. Hanggang sa matuwa siya sa ipinasa ko sa kanya isang araw, ginawa ko siyang karakter sa cartoon strip ko na pinamagatang “THE WRITER AND THE EDITOR”. Siya kasi iyong editor du’n. Tungkol sa writer na hindi matanggap-tanggapan ng script nu’ng editor, tapos tumanda na at namatay iyong writer, ibinilin nito sa anak na ipasa iyong huling script na ginawa niya du’n pa rin sa editor na matanda na rin. Walah! Natuwa iyong editor, sa wakas tinanggap iyong script! Wahahahahaaa!
Iyon ang umpisa, ginawa na niya akong regular illustrator, pati iyong dalawang Joel na kaibigan ko pinagdrawing na rin. Lalo na’t inabutan kami ng pagwewelga ng mga illustrator noon. Pinagtiyagaan ni Mr. Leoncito ang drawing namin, sinusundo pa nga niya kami sa may gate ng GASI para ‘wag kaming mapag-trip-an ng mga illustratator na nakatanghod sa labas ng publication.
Dahil nga kapos sa mga dibuhista nu’ng mga panahong iyon, sinubukan kong magpakita ng drowing kay Mr. Leoncito para sa hawak niyang horror komiks noon na hindi ko na maalala kung ano. Hindi niya nagustuhan ‘yung drawing ko, ang napansin niya, iyong kuwento nu’ng 4 pages sample drawing ko na ako siyempre ang gumawa. Sabi niya, “Naku, Jeff…magsulat ka na lang…mas may potensiyal ka!”
Hindi ko na nakalimutan iyong sinabing iyon ni “Madman”. Naalala ko iyong mga itinabi kong script na ginawa ko pa nu’ng hayskul, hinalungkat ko ang mga ito sa lumang baul ko at walang pag-aalinlangang idinistrbyut sa mga editor. Para akong nabingi isang araw na pumunta kami sa GASI nang sabihin ni Dar Medina (editor ng NIGHTMARE KOMIKS) na natanggap daw iyong script ko na pinamagatang “SIGE LANDO, TUMAKAS KA…”
Whoa! Sabi nu’ng dalawang Joel, “Writer ka na, pare!”
Sa sampung script na una kong ipinasa, siyam ang natanggap. Iyong isang na-reject ay ini-revise ko at eventually ay natanggap na rin.
Nang araw na iyon isinilang ang pangalang JEFFREY MARCELINO ONG sa larangan ng komiks. Kinalimutan ko na ang pagdodrowing. First love ko nga ang pag-i-illustrate pero TRUE LOVE ko ang pagsusulat!
Nang umuwi ang ama ko galing Saudi after two years, hindi na ako nag-aaral, inunahan ko na siya, bago niya ako pahintuin sa pagkokolehiyo, nagkusa na akong huminto sa studies ko.
Hindi ko makalimutan ang una naming encounter ng ama ko mula nang dumating siya galing ibang bansa, ipinatawag niya ako at kinausap sa isang silid. Binata na ako para saktan niya. Inalok niya akong uminom sa unang pagkakataon, “Jack Daniels” pa ‘yung alak. Sabi niya, balita raw niya writer na ako sa komiks, patingin raw siya ng mga gawa ko. Nang ibigay ko sa kanya ang mga complimentary copies ng mga komiks na may sinulat ako, kumabog ang dibdib ko. Akala ko pupunitin niya, nagulat ako nang mapangiti siya at kamayan ako. Kinonggratyuleyt niya ako at sinabing proud daw siya sa’kin! Itinuloy namin ang inuman pero hindi ako nalasing sa alak kundi sa kasiyahan. That was the first time na natuwa siya sa’kin at sinabing ipinagmamalaki niya ako!
AND THE REST IS HISTORY…!