Tuesday, April 22, 2008

LOVE STORY


Nu'ng kasagsagan ng pagsusulat ko sa komiks, pawang mga horror stories ang naisusulat kong kuwento, I never tried to write love stories sa umpisa ng writing career ko, sabi ko kasi sa sarili ko, hindi ako romantikong tao, hindi nga ako marunong manligaw noong kasibulan ko. Isa pa, nariyan ang takot sa'kin na baka hindi ko kayang magpakilig at magbigay ng pananaw patungkol sa larangan ng pag-ibig. Pero nang dumami ang mga komiks na love story ang tema, naengganyo ako na subukang magsulat ng mga kuwentong tungkol sa pag-ibig, na-realize ko na kailangan kong ma-overcome ang doubt ko sa sarili kung kaya ko ngang makapagsulat ng gano'ng tema. Paano ko malalaman kung hindi ko susubukan?

Then i tried to pass my first short love story sa Beloved Komiks, hango ang kuwento sa personal kong karanasan tungkol sa first girlfriend ko, tuwang-tuwa ako dahil natangap ang script ko, unfortunately, hindi ko na nai-save ang kopya ng kuwento.



Magmula noon, nagkasunod-sunod na ang pagpasa ko ng mga love stories sa mga editors, naging madalas ang paglabas ng kuwento ko sa Lovelife, Love Affair at Love Notes komiks. Napatunayan ko sa sarili ko na hindi lang pala ako nakakahon sa mga horror stories at kaya kong maging flexible sa pagsusulat ng kahit anong tema ng mga kuwentong komiks.

Nasa ibaba ang isa sa mga nasulat kong love story na lumabas sa Love Affair Komiks na idinibuho ni Jose Martin Jr., ito'y hango rin sa personal kong karanasan, nang basahin ko uli ang kuwentong ito'y medyo nainis ako sa sarili ko, you may find it unfair sa babaeng nasa story dahil sa ginawa rito nu'ng lalaki (ako), pero everything has a purpose, itinuturing ko na lamang na bahagi ng aking nakalipas ang kuwentong ito.

Enjoy reading!







Special thanks to Arman Francisco for sending me this image files.

Friday, April 4, 2008

NOSTALGIA





SUMPANG BUHAY
writer: Lito Java Tanseco
illustrator: Rey Macutay
colors: Meng Fabian


Binubulatlat ko ang gallery ng website ni Romel Fabian nang matawag ang pansin ko ng obrang nasa itaas, akala ko foreign comics, nang tingnan kong mabuti, lokal pala, iyong mga tipo ng kuwento na lumalabas noon sa mga horror komiks bago bumagsak ang industriya. Sabi ko sa sarili ko: "Sana noong panahon namin, naging ganito kataas ang kalidad ng lahat ng mga obra na mababasa sa mga komiks na pinagsulatan namin." Siguro'y baka nagdalawang isip pa ang mga publishers na isara ang kanilang mga kumpanya. Sa aking pananaw, kung nagkaroon ng ganitong quality ang mga laman ng lahat ng komiks, baka maaaring buhay pa ito hanggang ngayon. Ang problema, hindi ito nangyari dahil sino nga ba namang artist ang mag-aaksaya ng oras na gawing ganito kapulido ang trabaho kung kahit pambili ng tinta ay nahihirapan silang i-produce dahil sa napakabulok na sistemang umiral noong "armaggedon" ng pinoy komiks? Noong panahong ultimo trenta pesos ay itsene-tseka pa ng publisher na tumatalbog pa!

Anyway. those were the days. Wala na tayong magagawa roon, nangyari na, tapos na. Narito na tayo sa panahon kung saan pinipilit nating lagyan ng oxygen ang isang comatose na pasyenteng wala na yatang balak huminga. Sa patindi nang patinding krisis sa bansa, mukhang lalong bumibigat ang ating mga paa para makahakbang pataas sa mga susunod na baytang. Lalo na ngayon na sobrang mahal ng bigas na siya nating pangunahing pagkain.

Ano bang unang bibilhin ng tao? Bigas o komiks?

Haaayyy...nakakadismaya. Mananatili na lang yata talagang alaala ang mga masasayang panahon kung kailanan namumulaklak sa komiks ang mga bangketa, kung saan masayang labas-masok sa mga publications ang mga manunulat at dibuhista.

Nakaka-miss talaga. Ngayon, para mapagbigyan ang passion ng mga komikero, kanya-kanyang diskarte tayo para mailabas ang nag-uumalpas na dugo sa mga ugat ng isang alagad ng komiks. May mga nagpalamon na lang sa kolonyalismo, may ibang sinakop ang internet, may mga naglabas ng kani-kanilang komiks (self-published), may tulad ng grupo namin (Backdoor Publishing) na nangarap suntukin ang buwan pero naubusan ng lakas.

Para sa'kin, kahanga-hangang mga tao ang mga komikero kung pagmamahal sa sining na napili natin ang pinag-uusapan. Siguro'y hindi mawawala ang nag-aalab na pagmamahal natin sa komiks hanggang sa huling hibla ng ating mga hininga.

Lalo akong naging nostalgic nang makita ko kung sino ang writer ng kuwentong nasa itaas. Si Lito Tanseco, isa sa mga itinuturing kong matalik na kaibigan sa komiks. Punong-puno ang utak ko ng mga alaala ng mga pinagsamahan namin. Siya ang una kong naging kaibigan sa GASI bago pa man sina Ron Mendoza. Nagkasama kami ni Lito sa isang scriptwriting workshop na binuo ng yumaong Giovanni Calvo, naging mentor din namin doon si Vincent Kua na sumakabilang buhay na rin.

Naaalala ko pa, nang minsang pasyalan ako ni Lito sa Bahay na inuupahan namin, hindi niya naiwasang mainis, bakit raw kasi nagtitiyaga ako sa ganoong tirahan, may paupahan naman sila na maayos. Medyo hindi kasi maganda ang tinitirhan namin ng pamilya ko noong mga panahong iyon dahil magmula nang nag-umpisang bumagsak noon ang komiks, hindi ko na nakayanang umupa ng disenteng tirahan. Sa madaling sabi, nakalipat kami sa pinauupahang bahay nina Lito. Napakalaking bagay nito para sa akin na tinatanaw kong malaking utang na loob sa kanya. Pero may mga pangyayaring nagaganap nang hindi natin inaasahan. Nagkaroon ako ng problema na may kinalaman sa naturang paupahan, nalamatan ang pagiging magkaibigan namin ni Lito. Alam ko, masama ang loob niya sa'kin, hindi na kami nagkausap mula noon at nawalan na ako ng balita sa kanya hanggang ngayon. Sa mga sandaling ito, hindi naaalis sa isip ko na humingi sa kanya ng tawad at paumanhin dahil sa nangyari, hindi ko kontrolado at hindi ko ginusto ang mga kaganapang iyon noon. Naniniwala ako na kayang paghilumin ng panahon gaano man kalalim ang sugat, lalo na't may pinagsamahan kami ni Lito Java Tanseco.


Patalastas: DARKPAGES, STILL AVAILABLE!