Manong JM at Auggie,
Ayaw ko na munang pag-usapan ang kasalukuyang kalakaran ng TV industry ngayon dito sa ating bansang sinilangan, umiinit lang ang ulo ko. Nasisira lang ang araw ko. Pinending ko na nga muna ‘yung “Kamagong” na tatrabahuhin sana namin. Nililibang ko muna ang sarili ko sa pagsusulat ng prosa sa mga horror books, kasi sa larangang ito, puwede akong gumanti sa mga taong kinasusuklaman ko sa mundo ng telebisyon kahit man lang sa imahinasyon lang. Hehehe. Puwede ko silang ipakatay sa mga halimaw at psycho killer sa mga kuwento ko kung saan ako ang “Diyos”.
Anyway, Manong Joe, nabanggit n’yo si Ricky Lee…pinsan n’yo pala siya. Kababayan ko kasi siya sa Daet, Camarines Norte. In fact, siya ang tumulong sa’kin na makapasok sa ABS-CBN. Hindi pa nagkakaroon ng chance na magka-trabaho kami. Una niya akong tinulungan nang mapanood niya na mag-perform sa entablado ang mga local talents na hawak ko sa probinsiya. Asero Production ang ipinangalan ko sa grupo ko. Umuwi siya that time sa probinsiya at inimbitahan ko siyang panoorin ang rehearsal namin ng play na “Florante at Laura” (na ako rin ang nagsulat at nagdirek), natuwa siya at nasabi niya na mas magagaling pa raw ang mga talents na nahubog ko kesa sa mga nag-a-audition sa talent center ng Channel 2. Bakit daw hindi ko dalhin ang mga ito sa Maynila? Sabi ko, imposibleng mangyari dahil wala kaming budget para rito. Mahirap kasi humawak ng theater group lalo na sa probinsiya tapos wala pang makuhang suporta mula sa local government. Magmula nang mapanood niya ang performance ng grupo ko, regular na siyang nagpapadala ng suporta sa amin buwan-buwan. Nahinto lang nu’ng makapasok na ako sa ABS-CBN.
Nabanggit n’yo ang tungkol sa mga DVD movies (or should we say Digital / Indie Films?), sinubukan rin namin ng grupo ko na gumawa ng ganito. Mula sa mga stage plays, nag-shift kami sa pag-produce ng indie tv series. Para kaming gumagapang sa sobrang hirap sa paggawa nito. Isang handycam at isang ilaw lang ang gamit namin, walang budget, walang talent fee, nagtitiyaga kami sa sardinas at “natong” (gulay na gabi / laing) bilang pagkain namin. Nang maipalabas sa mga local cable sa bikol ang na-produce namin, puring-puri kami, naglapitan ang mga pulitiko, kanya-kanyang attempts na gamitin ang grupo ko sa pulitika, binubuo kasi kami ng mahigit 300 miyembro (marami-raming botante nga naman, isama pa ang mga kamag-anak namin). Pero hindi ako nagpagamit sa kanila, minabuti kong maging independent. Ayokong mabahiran ng pulitika ang artistikong gawain naming lalo na’t puro mga kabataan ang mga talents / members ko.
Nakakalungkot kasi sa kakulangan ng budget, napagod na siguro akong itaguyod ito. Sabi nga, walang pera sa teatro, totoo ito. Mabuti sana kung wala akong pamilyang binubuhay nu’ng mga panahong iyon. Sa kasalukuyan, pansamantalang “frozen” ang Asero Production habang hinahanap ko ang suwerte rito sa bago kong mundo. Sinabi ko naman sa mga bata na babalikan ko sila at bubuhayin ang grupo kapag mayos na ang lahat, kapag kayang kaya na talaga naming tumayo sa sarili naming mga paa. Nakakapanghinayang nga kasi marami talagang mga talented na kabataan na naghihintay lang na madiskubre. Sa grupo ko lang, hindi sa pagmamayabang, marami ang puwedeng makipagsabayan sa main stream, ‘di hamak na mas marunong silang umarte kesa sa mga artista umano na basta-basta na lang isinasalang ng mga network, bukod kasi sa pilipit ang dila ng iba sa mga ito, hindi pa marunong ng tamang bitaw ng mga linya.
Hindi pa rin nawawala sa paniniwala ko na darating ang araw ay mapapanood ko sa wide screen ang sarili naming pelikula ng grupo ko. Kung kelan, hindi ko pa masabi.
HINAHANAP KO PA RIN ANG DESTINY KO HANGGANG NGAYON.
Jeffrey Marcelino Ong